Letters to the Past – ML@50
Mga Imortal sa Pakikibaka
Pakinggan ang pagbasa ng mga estudyante-artista mula sa UP Repertory Company sa ilang liham na isinulat ng mga estudyante ng PS 21 bilang paggunita sa kabayanihan ng mga martir sa panahon ng Batas Militar.
Sa panahon kung kailan nagbabalik sa kapangyarihan ang pamilya ng diktador at lalong lumalaganap ang distorsiyon at negasyong historikal, nararapat lamang ang paglikha ng iba’t ibang paraan upang higit na pagtibayin ang pagpapahalaga sa kasaysayan, katotohanan at kalayaang akademiko.
Patuloy na tutugon ang sining sa mga hamon ng kasalukuyan at titindig laban sa mga mapang-abuso at naghahari-harian sa ating lipunan. Patuloy ang pagmumulat sa mamamayang Pilipino gamit ang sining, at paglaon ay mas marami na ang nakakaalam kung na kanino ang tunay na kapangyarihan.
Ilang dekada na pala ang lumipas mula noong ipinamalas ninyo ang inyong kagitingan at masidhing pagmamahal sa bayan, na kahit kabi-kabila ang banta sa inyong buhay ay hindi ninyo hinayaang mamayani ang mga elitistang tuta at naghaharing-uri sa ating lupang tinubuan. Kung iisipin, napakaraming rason para mabahag ang inyong mga buntot at hayaan na lamang mapasailalim ang estado sa mapang-alispustang kamay ng diktador. Ngunit hindi kayo nagpasindak sa mga matatalas na salita na binibitawan sa inyo ng mga taong may kapangyarihan at mas piniling tumindig at lumaban para sa kapakanan ng ating bayan at ng minorya.
Salamat sa pagpapaningas ng sulo ng katotohanan kahit na pilit itong inililibing para mapagtakpan ang kabuktutan ng sistema sa ilalim ng diktadurang Marcos. Salamat sa pagsasatinig ng mga puna na nakakulong lamang sa isip ng mga mamamayan na binabalot ng gimbal. Salamat sa pagsalo ng kalupitan ng mga naghahari-harian upang makamtan ang kalayaan, katotohanan, seguridad, at karapatan ng mga ordinaryong mamamayan. At salamat sa pagiging inspirasyon sa aming mga Iskolar ng Bayan na palaging pumanig sa kaliwanagan at kabutihan.
Nais ko ring humingi ng tawad dahil nasa kamay na naman ng isang Marcos ang ating kinabukasan. Patawad dahil parang isinantabi namin ang inyong pagsasakripisyo para makawala sa gapos ng diktadurya. Nabulag na naman ang karamihan sa amin at ang iba ay piniling magbulag-bulagan sa mga katotohanang inyong ikinintal sa aming isipan. Parang ibinalik na naman kami sa nakaraan; ngunit ang kaibahan ay hindi na namin kayo kasama sa panibagong yugto ng pakikibaka. Kung darating ang panahon na magkikita-kita tayong lahat muli, mapapatawad ninyo kaya ang ilan sa amin na tumaliwas sa ating adhikain na labanan ang mapagsamantalang nakaluklok sa puwesto?
Subalit, tinitiyak ko sa inyo na hindi ako magsasawang buklatin at halughugin ang katotohanan para maisiwalat na hindi totoo ang “golden age” sa diktaduryang Marcos, nang sa gayon ay mamulat na tayong lahat sa katotohanan at hindi sa mga nagbabalat-kayong teksto ng positibong pananaw sa batas militar.
Hindi pa rito natatapos ang ating laban dahil tatapusin namin ang inyong sinimulan. Pangako, hindi namin kayo bibiguin at pilit naming aabutin ang tunay na kalayaan. #NeverAgain #WeWillNever4get
Kziel.
Kumusta po kayo? Hinihiling ko na kayo ay nasa mabuting kalagayan. Sana ay ligtas kayo mula sa anumang peligro.
Inaamin ako na lumaki ako sa pribilehiyo. Hindi man kami mayaman ay nakakamit namin ang pangangailangan. Nakakakain nang tatlong beses o mahigit pa sa isang araw, may malambot na kamang tinutulugan, at paminsan-minsan ay pinagbibigyan ang sarili sa mga luho. Nag-aaral ako sa institusyong tinitingala at nakakakuha ng kalidad na edukasyon nang libre.
Nabubuhay rin ako sa panahong malaya kahit papaano. Nabubuhay ako sa kalayaang ipinaglaban ninyo, sa kalayaang inalayan ninyo ng dugo, pawis, salita, at buhay. Salamat sa bawat araw na inyong tiniis sa kulungan at sa kung ano mang sakit na ibinigay nila sa inyo. Salamat sa bawat marka, pasa, gapos, at sugat na inyong dinadala sa mga masasakit na araw na iyon. Nagpapasalamat ako sa inyo dahil nararanasan ko ang pagkabata, kalayaan, at pangarap na isinuko ninyo para sa ating bayan. Ngayong 2022 ay pumapatak na sa limampung taon mula ng idineklara ang Batas Militar. Isang madilim at madugong punto sa kasaysayan dahil sa kalayaang sinupil at mga buhay na kinitil. Madilim at madugo gaano man nila ito takpan ng disimpormasyon. Madilim at madugo kahit gaano pa kaganda ang mga imprastrakturang itininayo (na mula rin naman sa utang at sa kaban ng bayan).
Kasama ninyo ako sa hindi paglimot sa mga buhay na nawala nang panahong iyon. Inaalala namin kayo at ang inyong mga ginawa para sa bayan kahit gaano nila subukang pagtakpan o baluktutin ang katotohanan.
Kaakibat ng pasasalamat na ito ang aking paghingi ng tawad. Patawad dahil parang napunta sa wala ang lahat ng ipinaglaban ninyo. Ang buhay ng inyong mga kasamahan (na pilit nilang binabalewala) ay parang nasayang. Lahat ng inyong ginugol upang matiyak na ang mga Pilipino ay hindi na muling mabubuhay sa takot ng diktadurya ay parang nauwi sa wala, dahil parang bumalik tayo sa simula—sa madilim na punto ng kasaysayan (na pilit nilang nirerebisa).
Namanhid ako pagkatapos ng eleksiyon. Hindi ako umiyak. Nabalot ako ng pagkadismaya. Napagod. Iniisip ko kung ano pa ang punto ng pagtindig at paglaban. Nais ko lang naman ay isang maayos na kinabukasan na mararanasan ng bawat Pilipino. Isang gobyernong nais talagang maglingkod imbes na unahin ang interes ng naghaharing-uri. At sila pa ang nagmukhang masama. Bakit kung sino pa ang gustong maglingkod at tumulong ay siya pang itinuturing na kaaway?
Hinahanap ko pa rin ang rason upang lumaban pa rin. Iniisip ko ang katapangang araw-araw ninyong isinasabuhay. Upang magpatuloy pa rin. Upang maniwalang ang Pilipino ay dapat ipaglaban. Upang maniwala sa kinabukasang nais nating marating.
Sana ay mahanap ko ang rason at bumalik na ako sa aking pagtindig. Sana ay malagpasan ko na ang pagod. Sana ako ay maging kasing-tapang niyo.
Salamat sa pakikipaglaban. Salamat sa pagtindig. Salamat sa pagmamahal niyo sa bayan.
Sumasainyo nang buong puso,
Isang Mag-aaral ng PS 21
Hindi marahil naiintindihan ng iba kung gaano kahirap ang ginawa ninyo. Hindi iyon isang maliit na desisyon o pampalipas-oras. Ang paglaban na inyong ginawa para sa kung ano ang tama ay isang panata sa bayan at ating mga kababayan.
Ngayong nasa ikalimampung anibersaryo tayo ng pagdeklara ng batas militar, parang may pagkapait ang aking nararamdaman dahil ngayong taon din ay naging presidente natin ang anak ng isang diktador at ibang klase ang naging giyera natin ngayon laban sa disimpormasyon. Ngunit, isa sa ikinababahala ko ay ang paglimot at pagbago ng kasaysayan ng mga tao upang magmukhang walang nangyaring masama sa ating nakaraan.
Hindi ko lubos maisip na napunta o mapupunta sa wala ang inyong mga ginawa para sa bansang ito dahil sa kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Subalit, gusto ko lamang sabihin na hindi limot at hinding-hindi makakalimutan ng isang ordinaryong mamamayan na tulad ko ang inyong ginawa. Magsisilbi po kayong malaking inspirasyon para hindi ako mawalan ng pag-asa bagkus ay patuloy pang lumaban para sa bansang ito at para sa mga Pilipino.
Mabubuhay ako araw-araw para parangalan ang inyong diwa. Narito lang ang liwanag, kailangan lang natin siyang hanapin at ipaglaban.
Maraming maraming salamat po at mabuhay kayo!
Ulap
Kumusta na? Nawa’y nag-aani kayo ng tagumpay diyan sa gawaing masa kasama ang mga magsasaka.
Marahil, nabanggit na sa mga pag-aaral na lipos ang mundo ng mga kontradiksiyon, gaya ng makauring tunggalian. Dagdag pa, minsan ding sinabi ni Marx na umuulit ang kasaysayan—una bilang trahedya, pangalawa bilang komedya. Matapos ang 50 taon nang ipataw ni Marcos, Sr. ang Batas Militar, tila komedya ring nakapanumbalik sa poder ang kaniyang pamilya at anak na si Marcos, Jr. Maraming nagtatanong kung saan nga ba tayo nagkulang? Bakit nakabalik pa ang minsang pinalayas na?
Singkuwenta. Masyadong matagal o bubot pa at nagpupunla? Siguro, depende sa konteksto. Ang tagal na 50 taon ay patunay ng katuwiran ng ipinaglalaban. Gayundin, hindi pa rin makamtan ang ganap na tagumpay dahil nagpupunla pa rin sa buong kapuluan.
Kagaya ninyo, marami ang nangangarap sa isang lipunang negasyon ng kasalukuyan. Sino ba naman kasing nanaising manatili sa lipunang lipos ng paghihirap dahil walang makain, mahal ang matrikula, walang lupa at trabaho, at walang kapayapaan. Kaya, sa panahong pilit na binabaligtad at dinedemonyo ang inyong pagkamartir, tungkulin sa aming patuloy na mangarap at panghawakan na posible ang mundong tila imposible.
Bago ko sarhan ang liham, hayaan ninyo akong papurihan kayo at ang inyong mga alaala. Mga martir kayo ng sambayanan, alam ba ninyo? Nakatala na kayo sa mga kasaysayan.
Laging inaalala, hindi namamatay. Sabi nga ng isa sa paborito kong makata, kayo’y mga namatay na naging imortal sa tula. Para kayong talang gabay sa karimlan ng malakolonyal at malapiyudal na lipunan.
Sa ngayon, tuloy pa rin ang aming pagsagot sa mga tanong na marahil ay pinagkunutan na rin ninyo ng noo. Hanggang dito na lang muna ang sulat habang hinahanap pa rin namin ang mga sagot. Subalit saanman kayo naroroon, hiling ko ay magsama-sama tayo sa paglikha ng kasaysayan hanggang sa ganap na tagumpay!
Kasama sa pakikibaka,
Gelo
Ang malayang pamamahayag ay ibinubunsod ng mga mapagpalayang mamamahayag.
Sa gitna ng mga atake at nagbabadyang kapahamakan, hindi ka nagdalawang-isip na suungin ang lahat ng ito kahit pa ang kapalit ay kalayaan at kapayapaan ng iyong pamumuhay. Isa kang tunay na liwanag sa dilim, sapagkat ang ilaw mo ang gumabay at nagmulat sa mga nabubulag na sa kadiliman. Ang iyong bawat salita, parirala, pangungusap, at talata ay sandata para sa pagtatanggol ng demokrasya.
Ipinakita mo na tunay na may pangil ang peryodismo. Nangangagat ito, na parang isang lamok na kahit gaano kaliit ay nakapagdudulot pa rin ng sakit sa mga tunay na sakit ng lipunan. Nakalalason ito, na sa sobrang tapang ay pilit itong sinusupil upang hindi makapaminsala sa mga naglilinis-linisan. Ngunit sa lahat ng ito, ang pinakamasaklap na katotohanan ay nakamamatay ito. Oo, nakamamatay ang peryodismo, at marami na ang kinuhang kaluluwa nito.
Sa ngalan ng katotohanan at pag-ibig para sa bayan, ipinakita mong peryodista ka na may paninindigan. Sa kabila ng kaliwa’t kanang media cronies na ginamit ng estado upang palaganapin ang kanilang propaganda, tumindig ka at hindi nagpatinag. Ang Malaya at We Forum ang naging testimonya ng iyong pagiging matapang at tunay na mamamahayag.
Ipinakita mo sa lahat na ang midya ay naglilingkod at sumasandig sa masa. Pinatunayan mong isa lang ang tunay at karapat-dapat na kinikilingan ng midya, at ito ay ang katotohanan. Ilang pag-aresto at pagkawalay sa pamilya rin ang iyong ininda sa ngalan ng paghahatid ng tunay na balita noong panahon ng diktadurya; ngunit hindi ka nagpatinag.
Salamat dahil naging modelo ka ng isang tunay na peryodistang humahanay sa interes ng masa.
Salamat dahil lumaban ka para sa isang malaya at mapagpalayang midya.
Salamat dahil tumindig ka bilang isang tunay at matapang na peryodista.
Sa lumalalang panahon ng disimpormasyon ngayon, mas kinakailangan namin ng marami pang tulad mong handang lumaban.
Limampung taon na ang lumipas, ngunit ang katagang “Ang malayang pamamahayag ay ibinubunsod ng mga mapagpalayang mamamahayag” ay totoo pa rin sa henerasyon namin ngayon.
Ginoong Burgos, salamat sa makabuluhang buhay na inilagi mo rito sa mundo. Patuloy ka sanang maging inspirasyon ng marami: taas-noo ka naming pinagpupugayan sa lahat ng iyong ginawa para sa masa at sa ting demokrasya.
Faith
Para sa mga aping pesante at manggagawang nagkaisa sa makauring pakikibakang anti-diktadurya at mapagpalaya upang mabaklas ang tanikala ng isa’t isa;
Para sa mga estudyante at intelektuwal na hindi nagpakipot sa panahon ng matinding panlipunang ligalig at sumanib sa makauring pakikibaka ng bayan;
Para sa lahat ng tunay, palaban, at makabayang anak at martir ng bayan sa panahon ng Batas Militar;
Walang hanggang taas-kamaong pagbati at pagpupugay sa inyong kadakilaan! Sadyang hindi matatawaran ang giting, dangal, husay, at dalisay ng pag-ibig ninyo sa bayan na siyang walang-kaduda-dudang naging instrumental sa pagpupunyagi laban sa kadiliman ng panahon ninyo. Malaki ang dapat ipagpasalamat sa inyo ng bayan mula sa inyong henerasyon hanggang sa kasalukuyan at susunod pang mga salinlahi sapagkat kahit ang Bundok Apo ay hindi malalamangan ang tayog ng inyong inialay sa sambayanan. Ang ala-ala ninyo ang magsisilbing tilamsik ng kasaysayang puno ng tunggalian na magpapaantig sa pagkatao ng bawat isa na makatuwiran ang mapagpunyagi, basta’t malinaw kung para kanino ang pagpapanday ng makataong kinabukasan mula sa labi ng mapang-aping kaayusan.
Sa totoo lang, bagaman gagap ko naman sa personal na antas ang diwa ng kahanga-hanga ninyong mga kuwento at ehemplo, hindi ko masimulang maproseso kung paano kayo humugot ng lakas, kapasyahan, o kung ano mang puwersang nagtulak sa inyong ialay ang inyong buong panahon at buhay para sa iba. Talagang di-pangkaraniwan ang tipo ng giting na ipinamalas niyo upang sagupain ang atake ng kaaway. Lalo na at sobrang sahol at kasuklam-suklam ang inyong pinagdaanan na tortyur at panggigipit sa ilalim ng kamay na bakal ng pasistang rehimen.
Ikaw, Liliosa, walang impyernong sasapat para sa mga halang na unipormadong mamamatay-taong nambugbog sa’yo at nagtulak sa katawan mo ng nakakamatay na asido.
Kasamang Bill, hindi siguro naging madali ang pagpapasyang bumalik at tumangan ng mas mataas na antas ng pakikibaka matapos kang ilegal na hulihin ng estado; subalit naantig ka pa rin sa paghihikahos ng taumbayan.
EdJop, harapang binastos ka ng pangulo at dalawang beses ka pang hinuli ng militar at tinortyur pero kailanman ay hindi natinag ang iyong mga prinsiyo, sa halip ay tumatag pa nga ang mga ito.
Wala rin sigurong papantay sa hinagpis na pinagdaanan mo bilang isang militanteng ina at anak ng bayan, Lorena Barros, sa kamay ng mga macho-piyudal na pasista. Pero kahit kailan, hindi mo iniwan ang kilusan ng mamamayang nakikibaka lalo na ang kapwa mo kababaihan.
At napakarami pang may mga kuwento ng paghihikahos bunga ng pasistang diktadurya. Hindi lang tinortyur. Hindi lang pinatay. Naging desaparecidos pa. Tumatatak agad sa isip ko ang Southern Tagalog 10.
Tumataas ang balahibo ko kada naririnig ko o nababasa ang mga kuwento ninyo.
Nakatatakot. Nakababalisa. Hindi ko naman itinatanggi iyon. Sobrang hirap panghawakan ng prinsipyo kapag nababalahura ka ng takot. Nasubok na rin siguro ang inyong paninidigan ng mga pananakot, paniniktik, psy-war at tortyur ng mga galamay ng pasistang estado. At sa kabila noon, nagpatuloy kayo. Hindi kayo nagpagapi.
Ang internal ninyong pagpapasya ang nagdala sa inyo sa landas ng makauri, militante, makamasa, at anti-pasistang pakikibaka. Dumako kayo sa piling ng mga magsasaka at katutubong walang lupa, manggagawang dinadahas ang unyon, maralitang tagalungsod na binaklas ang bahay, at iba pang sektor na tahasang pinahirapan at pinabayaan ng diktador alinsunod sa atrasadong sistemang pinangalagaan ng kaniyang pasistang pamamalakad.
Ngayong nahaharap muli ang bayan sa matinding krisis sa ilalim ng anak ng diktador bunga ng patuloy na pag-iral ng atrasadong sistemang nag-anak sa unang pasistang rehimeng Marcos, nahaharap din kami sa pagpapasyang hinarap ninyo. Para kanino ba namin iaalay ang buhay namin? Anong klaseng buhay ba ang aming tatahakin? Masisikmura ba namin ang komportableng buhay sa gitna ng pagpapaulan ng tingga sa labas ng apat na sulok ng aming komportableng mga bahay? Masisikmura ba naming mabura ng salinlahi ng mga pasista ang marangal ninyong kasaysayan ng pakikibaka para palayain sa pagkagapos ang sambayanan mula sa naghahari-harian? Matatanggap ba naming hindi mapanagot ang mga salarin ng nakaraan at kasalukuyan, kahit na malinaw pa rin ang mga saray ng masang kumakalampag para sa hustisya? Sa puno’t dulo ng pagmumuni-muni sa mundong hinahati ng pandarahas ng tao sa tao, nakiisa ba kami sa pagbabago nito para sa ikabubuti ng marami?
Palagian naman ang tunggalian sa hanay naming kabataan. Likas sa uri namin ang dumating sa salubungan ng personal na ambisyong nakaugat sa panlipunang pamantayang nakaatas sa amin at sa kabilang banda, ang landas ng mga di-pangkaraniwan: ang pagbibigay ng buong sarili sa paglilingkod sa sambayanan. Mayroon naman talagang pipiliin ang daan tungo sa pansariling interes, at mayroon sa mga iyon ang lantaran pang magiging reaksiyunaryong kahanay ng mga pasista tulad ng mga Marcos. Subalit, panatag pa rin ako na mas marami, at sa pag-igting ng krisis, mas darami pa ang babalikwas mula sa amin at higit pa, sa iba’t ibang mga aping saray ng lipunan. Sa kada oil price hike na hinahayaan nila, confidential funds na inilalaan sa panre-redtag at pambobomba sa kanayunan, pang-aagaw at pagpapalit-gamit ng lupa ng mga pesante at samu’t sari pang mga atraso sa sambayanan, lalong nalalapit ang libing ng mga tiraniko tulad ng mga Marcos-Duterte. Hindi palaging maghahari ang kadiliman! Napatunayan na ninyo iyan at ng sambayanan.
Kaya, maraming salamat sa sakripisyo ninyo.
Pero higit pa sa pasasalamat, makatitiyak kayo. Magpapatuloy kami. Darami pa kami. Bibitbitin at panghahawakan namin ang militante at makamasang tipo ng pakikibakang ipinamalas ninyo, higit pa sa panahon ng papatinding pasismo!
Ito ang pinakamataas na antas ng pagbibigay-parangal namin sa alaala ninyo. Ito ang paraan namin upang hindi mabura ang kasaysayang iginuhit ninyo at imbes, maisulat pa ang mga susunod na kabanata nito.
Hanggang sa tagumpay!
Isang Mag-aaral ng PS 21
Studying our history is one way to get grounded in our whys, learn from mistakes, and lead the country effectively. And with living proofs like you, it is enough to continue clamoring for good governance. As an Iskolar ng at Para sa Bayan, it is one of my responsibilities to acquire the skills that I need to contribute, study to the best of my ability, and enjoin the nation in amplifying the advocacies that the masses are fighting for in whatever ways I can. That is why, at this time, it is especially important to work together to ensure that such events do not occur again, to promote academic freedom, and to combat disinformation, particularly among the youth.
In these trying times, I hope that you can find the courage and hope to fight for our freedom and rights with the youth. Let us keep the spirit alive and lead our country to a brighter future, not just for the current generation but for our successors as well. The fight does not end here. #TuloyAngLaban
An Iskolar ng Bayan
Sa aking kabataan, narinig ko lamang po ang inyong mga pangalan mula sa mga guro ko sa Kasaysayan at Araling Panlipunan. Hanggang ngayon ay malaki ang aking pasasalamat dahil kahit papaano ay mayroong mga nakatatandang hindi ako hinayaang makalimutan ang nakaraan, at sa halip ay ibaling ang aking tingin tungo sa memorya nito. Ngunit alam ko pong hindi lahat ay may pribilehiyong makapag-aral, o magkaroon ng mga tagagabay na maituturo ang kahalagahan ng pagbubukas ng diskusyon ukol dito. Hanggang ngayon po ay kolonyal, komersiyalisado, at anti-demokratiko pa rin ang pagpapatakbo sa mga paaralan; katapat ng pagsusumikap na mamulat ang mga masa ay ang pagsusumikap ng mga maykapangyarihang panatilihin ang bulok na kalagayan ng lipunan.
Habang isinusulat ko ang liham na ito ay bumabalik po sa aking isipan ang mga naidokumentong kuha ng mga protesta noong panahon ng Batas Militar. Sa mga librong ginamit namin noong elementarya at hayskul, black and white ang mga larawang ng mga pangyayaring ito—lumilitaw na napakalayo mula sa aming henerasyon. Ngunit marami rin sa mga bidyo na aking napanood ay may kulay. Malinaw kong naaalala ang mga estudyanteng katulad ko, at kung paano sila sinalubong ng kapulisan at militar sa kalsada. Nakita ko po ang agresibo at marahas na pagdispersa sa mga nagpoprotesta, kabataang nalalapit sa aking edad, na walang dalang armas, walang proteksiyon laban sa pang-aabuso. Kahit po ang eksenang ito ay piraso lamang ng inyong reyalidad. Marami pa pong boses ang pilit na pinatahimik. Marami pa po ang hindi pa nakakauwi.
Gaya ng sabi nila, siguro nga po ay mahabang panahon ang 50 taon. Pero ang katunayan ay hindi nabubura ng kahabaan ng panahon ang bakas nitong inhustisya sa kasalukuyan. Naririto pa rin ang latak ng lasong ibinuhos, ang ugat ng panlipunang kanser na itinarak at napasailalim pa ng mga nakaraang administrasyon. Kami po ay produkto ng kahapon kung kailan kayo nabuhay, at ang kahapong ito ay sariwa pang sugat na hindi hinahayaang maghilom—bagkus ay nabubuksang muli sa bawat diktaduryang nananatili sa pwesto. May kalansay ng takot na namumuo sa aking mga kalamnan na ang lahat ng ito’y hindi matatakasang kapalaran. Ngunit lagi’t lagi, nasusundan ito ng isang paalala kalakip ang inyong mga dinanas at sa halip na mabalot sa takot ay mas nananaig ang galit. Limampung taon na simula nang ideklara ang Batas Militar. Hindi na maibabalik ang mga nag-aalab na puso, matatalas na isip, at matang nakatinging malayo sa hinaharap. Sa kabila nito, naabot pa rin po ninyo ang sumunod at susunod na salinlahi, dahil ang aming mga karapatan, ang aming buhay, lahat ito ay inyong ipinaglaban.
Kung masisilayan po ninyo ang Pilipinas ngayon, sigurado akong higit pa sa dismayang maaari ninyong maramdaman, matatanaw pa rin ang pag-asang patuloy na binibigyang-buhay ng bawat hanay ng masa na lumalaban hindi para lamang sa sarili, kung hindi para sa bayan. Nakikita ko po ang tiyaga at sigasig ng aking kapwa-estudyante, kabataan, mga magsasasaka at manggagawang nakapaligid sa akin, at ito rin ang nakapagbibigay sa akin ng lakas upang makapagpatuloy.
Kaya kung may nais man po ako sa inyong maipaalam, ito po ang katiyakang hindi pa po natatapos ang paglaban. Higit po sa mga numero, higit po sa inyong mga pangalan, dala namin ang inyong alaala, ang itinanim ninyong mga punla na sisibol at magbubunga sa ilalim ng sikat ng araw, malaya mula sa mga sulok na pilit ikinukubli sa kadiliman.
Isang Iskolar ng Bayan