Skip to main content
Navigation

Pag-alala sa Siyam na Araw ng Diliman Commune—11 Pebrero 2023

Ang siyam na araw ng Diliman Commune noong 1-9 Pebrero 1971 kung saan bumulwak ang damdaming makabayan sa Unibersidad ay itinuturing na lunsuran ng tunay na mapagpalayang pakikilahok sa lipunan. Sumibol sa diwa ng mga iskolar ng bayan ang kaparaanan ng aktibismo bilang pagtutol sa anumang paniniil at pang-aabuso sa mga karapatang pantao.

Sariwaing muli ang mga kaganapan sa panahong ito sa birtuwal na eksibit na “Engkwentro: Sa(la)ysay ng Diliman Commune” na maaaring bisitahin sa:

Online Eksibit
https://engkwentro.upd.edu.ph

Diliman Commune Documentary Series
Facebook
Youtube

Pagsasalaysay ng Diliman Commune
Facebook
YouTube

Rizal Day – 30 December 2022

Sa pag-alala sa kamatayan ni Jose Rizal ngayong Disyembre 30, ating damdamin ang tindi ng kanyang pagmamahal at pag-asa para sa bayan sa mga salitang isinambit ni Isagani kay Paulita Gomez sa kanyang nobelang “El Filibusterismo.”


“Bukas ay mamamayan kami ng Pilipinas na maganda na ang tutunguhin sapagka’t malalagay sa mga mairuging kamay; Oo! ang kinabukasan ay amin, nakikinikinita ko nang kulay rosa, nakikinikinita kong ang pagkilos ay magbibigay buhay sa dakong ito na laong panahong patay, nahihimbing…”

Source:
“Ang “Filibusterismo” (Karugtóng ng Noli Me Tangere)” ni Jose Rizal, tinagalog ni Patricio Mariano, via
https://www.gutenberg.org/cache/epub/47629/pg47629-images.html, accessed on 20 December 2022

Bonifacio Day—30 November 2022

Ang UPD-OICA ay nakikiisa sa paggunita ng ika-159 Araw ng Kapanganakan ni Andres Bonifacio ngayong 30 Nobyembre 2022.


“Panahun na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon ng dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahun ng dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahun na ngayong dapat makilala ng mga tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

Kaya! Oh mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag asa na mag tagumpay sa nilalayong kaguinhawahan ng bayang tinubuan.”

-Andres Bonifacio, “Ang dapat mabatid ng mga tagalog”, c . March 1896

Source:
José P. Santos, Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan (Manila: n.pub, 1935), 6–7. via
http://www.kasaysayan-kkk.info/kalayaan-the-katipunan-newspaper/andres-bonifacio-ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog-c-march-1896

Letters to the Past – ML@50

Mga Imortal sa Pakikibaka

Pakinggan ang pagbasa ng mga estudyante-artista mula sa UP Repertory Company sa ilang liham na isinulat ng mga estudyante ng PS 21 bilang paggunita sa kabayanihan ng mga martir sa panahon ng Batas Militar.

Ang PS 21 o Philippine Studies 21 ay kursong GE (General Education) sa UP Diliman at ang kauna-unahang kurso sa Pilipinas na nakatuon sa malaliman at matalas na pagtalakay sa wika, kultura, at panitikan sa ilalim ng Batas Militar.

Maaaring basahin at pakinggan ang pagbasa ng mga liham sa Letters to the Past – ML@50 page.

Sa panahon kung kailan nagbabalik sa kapangyarihan ang pamilya ng diktador at lalong lumalaganap ang distorsiyon at negasyong historikal, nararapat lamang ang paglikha ng iba’t ibang paraan upang higit na pagtibayin ang pagpapahalaga sa kasaysayan, katotohanan at kalayaang akademiko.

Patuloy na tutugon ang sining sa mga hamon ng kasalukuyan at titindig laban sa mga mapang-abuso at naghahari-harian sa ating lipunan. Patuloy ang pagmumulat sa mamamayang Pilipino gamit ang sining, at paglaon ay mas marami na ang nakakaalam kung na kanino ang tunay na kapangyarihan.



Buwan ng Katutubong Pilipino—Oktubre 2022

Nakikiisa ang UP Diliman – OICA sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Katutubong Pilipino ngayong Oktubre.

Nagwakas man ang Martial Law, hindi pa rin natatapos ang mga isyung kinakaharap ng mga katutubo lalung-lalo na sa pakikibaka nila alang-alang sa kanilang lupang ninuno.

Ang pagdiriwang na ito ay panawagan din upang makiisa sa kanilang laban para sa karapatan sa edukasyon, pagsusulong ng pagkakakilanlan, at pagtataguyod ng kultura at kasaysayan.

Dahil ang pagsasanggalang sa karapatan ng ating mga katutubo ay pagsasanggalang din sa ating kalikasan at sa buhay ng sangkatauhan.

Mga Larawan:
Hugpungan (2016)
Mula sa UP Diliman Information Office

Hugpungan 2016 Poster
Jefferson Villacruz & UP Diliman Information Office

Hear Them Pray, 2017
Archie Oclos
Acrylic sa konkreto
Koleksyon ng UP Kolehiyo ng Sining Biswal
Larawan mula sa UPD University Collection Mapping Project

Musika:
“Sayaw Pinoy Sayaw, Sayaw Mundo Sayaw”
Kontemporaryong Gamelan Pilipino (Kontra-GaPi)
Youtube: www.youtube.com/user/kontragapi
Spotify: https://open.spotify.com/artist/5lUhEUjsfjQP61c8WEsMoJ?si=6ilMOQw0T3mBsiNBEHraPQ