UP Diliman Month 2017
Sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining noong taong 2017, sinariwa ng UP Diliman sa haraya at isipan ng komunidad ang mga k’wentong bayan na kinalalakipan ng samu’t saring saysay, pukaw at kaalaman.
Ang mga k’wentong bayan ay mga naratibong pasalita na nagpasalin-salin sa maraming henerasyon. Naririnig ang mga ito sa mga pangkomunidad na seremonya at ritwal at sa pang-araw-araw na paghuhuntahan at pagkukwentuhan ng mga mamamayan. Madalas ang mga k’wentong bayan ang nagpapaliwanag ng iba’t ibang aspekto ng tradisyon, mga kalakaran at pati na rin kasaysayan.
Sa libong pulo ng Pilipinas, samu’t saring k’wentong bayan ang maririnig. Nagsisilbi silang mga lente upang lubos na makilala ang samu’t sari ring pangkat na bumubuo sa ating bansa. Ngunit sa kasalukuyan, sa modernong panahon, hindi na ganoon ka-bantog ang mga k’wentong bayan. Sa katunayan, itinuturing sila ng marami bilang mga mapamahiing naratibo at mga maling pagtanaw tungkol sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, hindi maikakaila ang ambag ng mga k’wentong bayan sa pagbibigkis ng pagtanaw, kaalaman at kasaysayan ng mga pangkat at lipunan.
Batis ng maraming kaalaman ang mga k’wentong bayan. Kabilang dito ang mga wastong paraan ng pakikipamuhay at pakikipagkapwa. Nariyan din ang kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng mga bayani sa epiko na pumupukaw sa wari upang pamarisan at kapulutan ng aral. Sa gayon, ang mga k’wentong bayan din ang humuhubog sa mga tradisyon, gawi, kaugalian, ritwal, batas, kaugnayan, panlipunang balangkas, haka ng sakop na teritoryo, sining at iba pa.
Mga k’wentong bayan din ang nagpapaintindi ng kahulugan ng buhay. Tumutunton ang mga epiko sa mundo at panahon kung kailan ang mga bathala at karaniwang tao ay nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Ito ang nagbibigay ng pananalig sa ating mga ninuno na ang lahat ng bagay ay naaayon sa kalooban ng mga bathala. Kaya’t sa panahon ng kagipitan at pagdurusa, naroon ang paniniwala na makahulugan ang pagpapasakit dahil may magandang maibubunga ang mga ito.
Bago pa man pumaibabaw ang agham bilang paraan ng pagsisiyasat, ang mga k’wentong bayan tulad ng mito, alamat at epiko ang nagpaunawa sa atin ng mga bagay sa likas na mundo gayundin ang mga hindi maunawaang pangyayari. Ipinakita nila ang kapalaran lampas ng kamatayan, mga dahilan ng unos at himala at iba pang bagay na hindi maarok ng kaisipan. Gayunpaman, ang pagpapaliwanag na nakapaloob sa mga k’wentong bayan ay nababalot pa rin ng hiwaga at misteryo.
MGA LAYUNIN NG PROYEKTO
Ang mga sumusunod ay ang mga layunin ng proyekto:
- upang magkaroon ng mas malalim na pagunawa sa k’wentong bayan sa iba’t ibang panahon at lunan;
- upang maipakita na ang mga k’wentong bayan ay mga imbakan ng kaalamang bayan;
- upang maiugnay-ugnay ang mga k’wentong bayan sa mga naratibo ng pagkabansa ng Pilipinas; at
- upang maisalin ang mga k’wentong bayan sa iba’t ibang porma ng sining.
Seremonya ng Pagbubukas: Kuwentong-Bayan, Kaalamang-Bayan
Sansinukob: Isang Installation na Eksibit
HIMIGSIKAN: K’wentong Bayan at Musika
Sita at Rama: Papet Ramayana
FAUST: Isang Adaptasyon ng Akda ni Goethe
Ang Unang Aswang
Sampaksaan sa K’wentong Bayan
Maceda 100
K’wentong Bayan sa Pelikula
Balangay: Ang Seremonya ng Pagwawakas
Mga Inisyatiba ng Ibang Yunit at Grupo ng mga Mag-aaral