𝙋𝙖𝙢𝙖𝙣𝙖𝙣𝙜 𝙐𝙋 𝘿𝙞𝙡𝙞𝙢𝙖𝙣, 𝙋𝙖𝙢𝙖𝙣𝙖 𝙨𝙖 𝘽𝙖𝙮𝙖𝙣!✊
Ang buhay sa UP Diliman kampus ay hindi lamang binibigyang kahulugan ng mga pang-akademikong gawain, kundi pati na rin ng mga kaganapang kultural at pansining, at mga tradisyong nagmula sa mga nakasanayang kagawian. Pinagpapatibay ang mga ito ng Unibersidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga malikhain at napapanahong gawaing mula sa sigasig ng komunidad nito.
Kaya bago matapos ang National Heritage Month, ating alalahanin ang ilan sa mga tradisyon at aktibidad na nagbuklod at nagbubuklod sa mga miyembro ng pamayanang UPD at humuhulma ng kasalakuyan nitong kalagayan at kamalayan, at kasaysayan.
UP Diliman Month
Sa pagdeklara ng Pebrero bilang Arts Month, ginawang UP Diliman Month ang dating “UP Diliman Week” noong 1999 sa pangunguna ni dating UP Diliman Chancellor Claro T. Llaguno. Matutunghayan sa selebrasyong ito ang mga malilikhaing proyekto ng iba’t ibang yunit at organisasyong pangmag-aaral sa UPD sa pangunguna ng UP Diliman Office for Initiatives in Culture and the Arts (UPD-OICA).
Sa paglipas ng mga taon, ito ay yumabong at naging UP Diliman Arts and Culture Festival upang bigyan pa ng mas maraming pagkakataon ang mga miyembro ng komunidad na bumuo at magbahagi ng kani-kanilang mga proyektong tumutugon sa iba’t ibang tema.
Pasalubong Festival
Nang pasimulan ang Pasalubong Festival (PasaFest) sa Kalayaan Residence Hall noong 1999, nagsagawa ng simpleng saluhan ng mga pagkaing bitbit ng mga residenteng freshman mula sa iba’t ibang lugar sa bansa. Kalauna’y nagkaroon ang selebrasyon ng mga malilikhaing programa at pagtatanghal kung saan ibinibida ng bawat residente ang kultura ng kani-kanilang mga rehiyon.
Arbor Day
Sa mga unang taon ng pamamalagi ng pamayanan sa Diliman, itinanim ang mga punla ng mga akasya na ngayon ay nasa kahabaan ng Academic Oval. Ito ay sinundan ng pagtatanim ng mga puno sa Arbor Day noong Setyembre 1953.
Cadena de Amor
Mula 1934 hanggang 1968, taunang isinasagawa ang Cadena de Amor, kung saan seremonyal na ipinapasa ang halamang cadena de amor ng mga kababaihang ‘seniors’ sa mga kababaihang ‘juniors’ habang nakagayak ng kulay puti.
UP Hayride
Kasabay ng paggunita ng Unibersidad sa Arbor Day, ang UP Hayride ay isang aktibidad kung saan ang mga miyembro ng pamayanang UP Diliman ay maaaring makisakay sa mga sasakyang nilagyan ng dayami. Isang paboritong kaganapan dito ang pagtakbo ng mga kalahok nang may dalang mga tanglaw kung saan nag-uunahan sila sa pagsindi ng bonfire. Ang huling UP Hayride ay isinagawa noong 1969.
Pangkalahatang Pagtatapos
Noong 1949, ginanap ang kauna-unahang Pangkalahatang Pagtatapos sa Sunken Garden. Nitong mga nakaraang taon, ito ay ginaganap sa University Amphitheater. Nagtatanim din ng mga sunflower sa University Avenue tuwing panahon ng pagtatapos.
Linggo ng Parangal
Ang Linggo ng Parangal ay ang taunang selebrasyon sa UP Diliman na kumikilala at nagbibigay-pugay sa mga natatanging guro, kawani, mag-aaral, organisasyon, at iba pang miyembro ng pamayanang UPD. Kinikilala rin dito ang mga proyektong malaki ang naging ambag sa Unibersidad at sa labas nito.
Kilos-Protesta
Kilala ang Unibersidad bilang lunsaran ng mga pagkilos at pagpuna sa mga isyung panlipunan. Isang katibayan nito ang siyam na araw ng Diliman Commune noong 1-9 Pebrero 1971 kung saan nagtayo ng barikada ang mga mag-aaral upang isara ang mga lagusan papasok ng kampus mula sa militar at kapulisan. Ito ay isinagawa nila bilang pakikiisa sa panawagan ng mga tsuper laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo.
UP Fair
Itinuturing na pinakamalaking aktibidad na pinapangunahan ng mga mag-aaral sa UP Diliman, ang UP Fair ay nagsimula bilang espasyo ng pagprotesta laban sa Martial Law noong dekada ‘80. Noong 1984, ito ay pormal na itinatag bilang fundraising activity para sa iba’t ibang benepisyaryo ng mga organisasyong pangmag-aaral sa pangunguna ng University Student Council (USC). Ito ay ginaganap sa UP Sunken Garden kung saan matutunghayan ang pagtatanghal ng mga artista, musiko, at grupo, gayundin, ang iba’t ibang mga tindang putahe, mga palaro, at carnival rides.
Parada ng mga Parol at Pag-iilaw
Pormal na itinatag ang UP Lantern Parade noong 1934 ni dating UP President Jorge C. Bocobo upang magkaroon ng masiglang aktibidad ang mga mag-aaral sa pagtatapos ng taon. Naghahanda ang iba’t ibang kolehiyo at opisina ng Unibersidad ng mga parol na ipaparada sa kabuuan ng Academic Oval. Ito ay binigyang inspirasyon ng tradisyon ng paglakad papuntang misa de gallo bitbit ang lampara. Sa mga nakalipas na taon, ang parada ng mga parol ay ginawa na ring paligsahan ng mga parol kung saan pinipili ang pinakamagandang parol na umaayon sa napagkasunduang tema ng parada.
Kasama ng UP Lantern Parade, ang Pag-iilaw sa Quezon Hall at University Avenue bilang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kapaskuhan sa UP Diliman ay bahagi ng mga taunang programa para sa pagtatapos ng taon.
References:
- “Tatak UP.” University of the Philippines Diliman Website.
- Samson, Laura L, Ricardo T Jose, and Gianne Sheena Sabio. 2011. “Celebrating the Birth and Rebirth of the U.P. College of Liberal Arts (1910-1983).” Quezon City: U.P. College of Arts and Sciences Alumni Foundation.
- The University of the Philippines: A University for Filipinos (1984)
- “UGNAYAN: Mga Kuwento ng Talában sa Pamayanang UP Diliman” Exhibit (2024)
- Gorecho, Dennis. 2023 Feb 21. “UP Fair as a music festival on social issues.” Cebu Daily News. Link
- “PasaFest 2024: PANUNUMBALIK” (2024)
- UPD-OICA Archival Photos
- The Philippinesian, courtesy of the UP Library Archives